May kuwento ka, may kwento rin ako. Tara! Kwentuhan tayo!

Monday, May 7, 2012

Growing Up


Naalala ko na nung bata pa ako, madalas kong sabihin na sana lumaki na ‘ko. Ang dami ko kasing gustong gawin noon na ayon sa mga magulang ko ay hindi pa pwede, kasi nga daw bata pa ako. Pero ngayong lumampas na ‘ko sa pagiging bata, madalas na naiisip ko na sana bata ako ulit. Normal yata talaga sa tao ang hindi makuntento sa kung ano ang meron sya o kung anong kalagayan ang kinaroroonan nya. Nakadikit na sa pagtanda ng tao ang mga reponsibilidad na dapat harapin at mga trabahong dapat gawin, bagay na hindi iniisip ng isang bata. Noong bata ako, schedule ko sa maghapon ang maglaro, manood ng tv at kung ano ano pa. Wala akong pakyalam sa mundo, basta ang alam ko masaya ako. Pwede ko pa namang gawin to sa ngayon pero magmumukha lang akong kawawa sa magiging resulta. Ito ang ilan sa mga katotohanan sa mundo na hindi natin pwedeng baguhin o iwasan. Habang tumatanda tayo, kailangan nating harapin ang katotohanan na kailangan nating lumaki, malaman kung ano ang silbi ng pagkatao natin at mabuhay ng may karunungan para makagawa ng mga desisyon na magsasabi kung anong klase ng pagkatao meron tayo. Madalas ayaw ng mga tao sa salitang responsibilidad. Iniiwasan ng karamihan ang salitang ito. Muli, hindi hanggang hangga ay gatas lang ang iinumin natin. Habang lumalaki ang tao, dumadami din ang mga pangangailangan nito. Totoo, hindi madali ang mabuhay na napakaraming mabibigat na responsibilidad na nakaaatang sa atin. Pero tandaan na kasama ng napakaraming gawain ang pagkakataon na lumaki tayo, magbago mula sa pagiging bata tungo sa pagiging maygulang. Syempre pa, depende ito kung paano natin haharapin ang mga responsibilidad na haharapin natin at kung tama ba ang magiging paraan natin ng pagharap sa mga ito. Komplikado ba? Ganyan talaga ang buhay, pero makakaasa ka na sa kabila ng mga paghihirap ay malalampasan mo din ang mga ito. Yakapin mo ang mga pagbabago sa buhay. Mahirap sa simula pero masasanay ka din. Patunayan mo na hindi hihinto ang buhay mo sa pagiging bata, pag iisip at pagharap sa buhay na parang bata. Kaya mong lumaki. Maniwala ka.

Monday, March 12, 2012

Sermon ni Brugudoinks


Masarap maging bata. Pwede mong gawin ang halos lahat ng gusto mo ng walang nakikialam, ng di ka pagtatawanan o susumbatan kung bakit mo ginawa yon. Pero hindi laging ganon ang kalagayan. Habang lumalaki tayo nagbabago ang ikot ng mundo. Ang mga gawaing gustong gusto mong gawin noon ay hindi na pwedeng ipilit ngayon. Kung handa mong tanggapin ang pagkutya at negatibong komento ng mga taong nakapaligid sayo, gawin mo kung ano ang sa tingin mo ang tama. Sa huli, ikaw din ang makakaranas ng mga epekto ng mga desisyong ginawa mo. Ang mahirap lang, may mga pagkakataong pati ang iba ay nasasangkot sa kwento na akala mo ay ikaw lang ang karakter. Kung napabuti ang iba sa pagkilos mo, mainam. Pero hindi ganito ang realidad. Madalas, kapag hindi pinag-isipan ang isang bagay, kalunos-lunos ang mga epekto nito. Kaya napakahalaga ng matalinong pag-iisip bago kumilos. Alalahanin na kung gagamitin muna ang utak bago kumilos, maaaring maiwasan ang mga salitang “kung ginawa ko lang ang ganito”, “sana ganito na lang” at marami pang iba na ang tanging magagawa lang ay lalong ipamukha sayo na nagkamali ka at na huli na ang lahat. Syempre pa, normal lang sa tao na magkamali. Pero dapat nating taggapin ang katotohanan na maraming pwedeng magbago tungo sa ikabubuti kung hindi tayo padalos dalos sa mga aksyong pinipili natin. Huwag maniwala sa kumakalat na chismis na “Experience is the best teacher.” Totoo ang karanasan natin sa buhay ay makakatulong para lalo pa tayong maging matatag at matalino. Pero kailangan pa ba nating maranasang masaktan at dumanas ng hirap para matuto? Muli, kung mag-iisip ng patiuna, maaaring makaiwas sa sakit na dulot ng pagkabigo. Kaya simple lang ang dapat gawin. Isipin muna ang kahihinatnan ng napiling aksyon at laging piliin kung ano ang tama. Asahan na sa bandang huli ay magiging maligaya ka sa paggawa nito. Wala tayong kakayahang ibalik ang panahon, pero pwede nating baguhin ang bukas depende kung ano ang gagawin natin ngayon. Kikilos ka na ba? Teka lang. Mag-isip muna.

Sunday, March 11, 2012

Batang Kartuns!


Kakaalis lang ng bunso kong kapatid. Humingi ng 20 pesos kay mama, may assignment daw na ipiprint. DAW. Eh paano di naman totoo yun. Dota All Stars, Counter Strike, Operation 7, Ragnarok at kung anu-ano pang laro lang ang aatupagin nun na sa totoo lang di ko nilaro sa buong buhay ko. Promise! Mas hilig ko kasi na magbasa ng libro... (wag ka ng kumontra, blog ko to! Hehehe) Pero sa totoo lang malayong malayo ang hilig ko nung bata pa ako kumpara sa hilig ng  mga kabataan ngayon. Hindi siguro ako ang type na nagmumukmok sa sulok para mag-aral ng leksyon pero pinagmamalaki ko na hindi ako ang batang walang ginawa kundi pumatay ng mga aswang sa mga mararahas ng video game. Eh ano ba ang pinagkaabalahan ko nun?  Ayon kay Jose Rizal ito daw ang pinakakapaki pakinabang na pwedeng gawin ng isang bata. Ang panonood ng TV! (chismis lang yung pagbabasa ng libro) Di pa ako nag-aaral nagsimula ng magmukhang pancake ang pwet ko sa kakaupo sa harap ng tv. Favorite ko ang National Geographic , Discovery, Knowledge, at CNN! (joke lang pala, baka tamaan ako ng kidlat! Hehehe) Sige na nga aaminin ko na: Big fan ako ni Tom Sawyer! Yahaha! Ang sarap kaya ng pakiramdam kapag bago pumasok sa skul o kaya pagkalabas ng skul ay ihahagis na ang bag para tutukan kung ano na ba ang nangyari sa mga paborito nating kartun karakters. Kelan kaya matatapos ang pang-aalipin ni Miss Minchin kay Sarah ang Munting Prinsesa? Napaamo na kaya ni Cedie ang kanyang masungit na lolo na duke ng Buckingham? Kelan kaya mahahanap ng tropa ni Mojacko ang “Pinakamahalagang Kayamanan”? Sino ang makakatuluyan ni Georgie sa 2 kapatid nya? Eh si Tom at Huck, anong klaseng adventure na naman ang mararanasan nila? Blue Blink, Cinderella, Julio at Julia, Magic Knight Ray Earth, Zenki, Ranma ½ , Trapp Family Singers, Heidi, Remi, Little Women 2, Peter Pan, Bananas in Pajamas at napakarami pang iba!! Meet my Dabarkads! Sila ang solid bespren ko nung bata ako (hanggang ngayon naghahanap pa rin ako ng mga episode sa You Tube!) Sabihin mo ang pamagat ng kartun kakantahin ko ang Soundtrack! Oo promise, pati kanta kabisado ko! Mula sa nakakaiyak na kanta ni Remi hanggang sa makabagbag damdaming Annie Laurie ni Cedie! (instrumental lang pala yun walang lyrics, hehehe) Sayang lang at hindi na naranasan ng  mga bata ngayon ang makilala ang ganitong mga klaseng palabas na sa paano man ay may aral na mapupulot. Sayang di nila natutunan kung gaano kaimportante maging mabait sa lahat lalo na sa mga madudungis na bata tulad ni Becky na bespren ni Princess Sarah, at na ang “Pagkakaibigan” ang pinakamahakagang kayamanan sa buong universe (ayon kay mojacko!). Nakakalungkot na makitang gutom ang mga kabataan ngayon sa mga magagandang aral na maaari sana nilang mattutunan sa panonood ng tv... (sana mabasa ng mama ko ang blog na to para wag na nyang itago ang remote ng tv! Hehehe)Kaya kahit paano proud ako na lumaki ako sa mga panahon na di pa uso ang pakikipagratratan sa mga zombie at terorista. Masaya ako na naging bahagi ng buhay ko ang mga kartun karakters na nabanggit ko. Madami akong napanood na masaya kong ikukwento sa mga magiging anak ko. Sana bumalik ang panahon. Sana.

Friday, March 9, 2012

Isang Tasa ng Kape


Bakit ko ba naisip na gumawa ng blog? Ang isa sa mga dahilan ay dahil alam kong marami akong kwento na gustong ibahagi sa iba. Nanghihinayang din kasi ako sa paanuman na ang mga bagay na alam ko ay kasama kong mawawala pag nawala na rin ako. Gayundin masarap sa pakiramdam na malaman na may mga tao na interesado sa kung ano ang pwede kong sabihin. Lumaki ako sa paniniwala na walang tao na may gustong makaalam ng kung ano ang nasa isip ko. Para bang sino ba ko para pansinin? Inaamin ko na gusto ko ang pakiramdam na pinapansin pero hindi sa paraang ikakainis na ng iba. Hindi naman kasi ako ang tipo na mananakit o manloloko ng tao para lang makakuha ng atensyon. Siguro ang uri ng atensyon na gusto kong makuha ay yung klase na sakto lang na maipaalam ko sa iba kung ano ang laman ng isip ko. Masakit kasi para sa akin yung pagbabalewala sa kung ano ang kaya kong sabihin at kung ano ang kaya kong gawin. Mahirap ang manahimik na lang kung alam mong may kaya kang sabihing tama at makakatulong para umayos ang mga bagay bagay. Sa mga isusulat kong blog siguro marami kayong makikitang mali, pero yun naman talaga ang dapat asahan sa isang taong hindi natuto kung paano maging perpekto. Ang hiling ko lang, sana irespeto nyo kung ano ang laman ng isip ko kung paanong nirerespeto ko rin naman ang takbo ng isip ng iba. Matutuwa ako na tanggapin ang pagtutuwid sa mga mali na makikita nyo, sana lang sabihin sa makataong paraan. Ang makabuluhang kwentuhan ay kasing sarap ng paghigop ng kape sa kasagsagan ng napakalakas na ulan. Parehong nakagiginhawa sa pakiramdam. Umugong na ang malalaking patak ng ulan. Magtitimpla na ba ako ng kape?